Ang Pinakamahigpit Kong Kalaban

Ni Janine Cajayon

Image by PIA

Nakapapagod.

Malikot ang utak ng tao. At di nakabubuti ang mga pangyayari sa mundong ito. Madalas na walang ginagawa, kaya ang utak natin ay parang nais kumawala sa sarili nitong lungga. Nais na magamit sa makabuluhang bagay at hindi sa walang katuturang gawain sa buhay.

Ilang buwan na ring ganito ang aking trabaho — gigising, babangon, kakain, magtatrabaho, kakain, magtatrabaho, kakain at tutulog.

Ito ang serye. Isang siklo ng paulit-ulit na gawain. Nararamdaman ng aking puso ang pagkadiskuntento. Ngunit ito ang kailangan para mapunan ang mga pinansyal na pangangailangan ko. Naisin ko mang gamitin ang utak ko sa ibang mas makabuluhang bagay at mga bagay na ikasasaya ko ay parang hinahatak na rin ako ng katamaran. 

Marami akong nais gawin – tumulong sa pamilya, bumuo ng sariling pamilya, gawin ang aking mga hilig. Mayroon akong ilang nasimulan, ngunit karamihan ay di ko mapanindigan.

Wala akong ibang dapat sisihin, alam ko naman iyon. Kaya naman sarili ko ang aking sinisisi.  Kung hindi ko sana sinanay ang aking katawan sa ganitong siklo ng trabaho, sana ako ngayon ay mas produktibo. Ngunit nandito na ako. Wala na akong ibang pwedeng gawin kung hindi sisihin ang sarili ko. 

Pero teka, eto ang agam agam ko. Sinanay kong tamad ang katawan ko, ngunit ang utak ko’y tila naghuhuramintado. Nais niyang magpagamit. Ngunit ayaw sumunod ng mga kamay ko. 

Kaya itong utak ko ay kusang umandar ng di ko naman planado. 

Pilit niyang binabalikan ang mga nasira kong plano at mga pangarap na di ko natamo. Mga bagay na nais na nais ko. Ngunit di nagtagumpay sa dulo. Tila ba sinisigaw niya na akoy palaging talo.

Nanalaytay ang inggit sa aking buong katawan habang paulit-ulit na sinasariwa ng aking diwa ang mga nakitang larawan ng mga kaibigang nagpunyagi sa buhay. Nakapagpundar ng bahay, may masaganang negosyo, nakabili ng sasakyan, nagkaroon na ng anak. Unti-unti akong nilamon ng lungkot. Para bang naisip ko na kung ano man ang mayroon ako ngayon ay walang saysay at walang kwenta kumpara sa nakamit nila. 

Pinilit kong bakantehin ang utak ko, ngunit pati ang mga bago kong desisyon ay tila kanyang ginugulo. Sinasaksak sakin ay ang mga anggulong negatibo. Nagsimula na kong kwestyonin ‘di lamang ang nasa aking ulo kundi pati ang nararamdaman ng puso ko. 

Nais kong kumilos at labanan ang nasa ulo ko ngunit tila wala akong lakas na paalisin ang mga demonyong ito.

Tanging luha ang naging saksi sa pagtataksil sa akin ng aking diwa. Mata ko’y pikit, walang nakikita, ngunit luha koy dumadaloy. Walang hikbi. Pagkat ayaw marinig ninoman. Ngunit luha koy kusang pumapatak upang pakiramdam ay mapagaan. 

Dumaan ang mga gabing mulat ang aking diwa bagaman pikit ang aking mga mata. Nagdarasal akong linisin Nya ang duming nanahan sa aking diwang mapagsamantala. Ito na lamang ang tanging nagpapatulog sa gabing tila akoy may sariling gyera.

Hindi ko sinisisi ang ang mga materyalistikong bagay dito sa mundo. Ngunit natatakot ako, na baka bago matapos ang mga laban na ito ay natalo na ako sa laban ko kalaban ang sarili ko. 

Laking pasasalamat ko na lamang nang may nagmensahe na aking kaibigan. Tinanong niya kung ayos ang aking kalagayan. Nagawa kong ilabas ang lahat ng luha na naglalaman ng mga salitang kinubli ng aking puso ng ilang buwan. Maaari ko siguro itong malagpasan sa tulong ng kanyang pangungumusta at pag-aalala. 

Leave a comment