Rhap Salazar patuloy sa pag-imbulog

CALAPAN CITY—Hindi na talaga mapigilan pa ang pag-imbulog ni Rhap Salazar, ang child singing sensation ng Pinamalayan.

Nitong Disyembre, lumabas na ang kanyang self-titled album na naglalaman ng mga sumikat na kanta ng Jackson 5 gaya ng “Ben,” “One Day in Your Life,” “Got to Be There,” at ang carrier single na “Music and Me.” Available din ito sa ITUNES.

Sa listahan naman ng Manila Bulletin ng Top 15 Newsmakers of 2009, binanggit ang 12-taong si Rhap bilang Pinoy singer na dapat “matyagan.”

Ito ay matapos na rin niyang masungkit ang Junior Grand Champion Solo Vocalist of the World at Junior Grand Champion Performer of the World sa prestihiyosong World Championships of Performing Arts noong Setyembre. Noon namang Nobyembre 17, pinabilib ng batang singer si Ellen DeGeneres nang kantahin niya sa sikat na show ni DeGeneres ang “All By Myself.”

Sa 35th Metro Manila Film Festival noong Disyembre 28, kahilera ni Rhap ang mga sikat na singers tulad nina Vina Morales at Kuh Ledesma sa pagbubukas ng taunang filmfest. Nakipagsabayan pa siya kay Vina sa pagkanta ng “Galing ng Pinoy.”

At maging sa mga lalawigan ay kabilang din si Rhap sa mga Kapamilya stars na nagbibigay saya. Sa Calauan, Laguna noong Disyembre, hindi siya nagpahuli kina Piolo Pascual at Erik Santos sa pag-awit sa pamaskong handog ng ABS-CBN na “Bayanijuan sa Calauan.”

Ngayong 2010, ano naman kaya ang mga sorpresang ihahatid sa atin ng ating bulilit pero “malupit” na kababayang si Rhap Salazar?

Leave a comment