Nakaangkas na naman si Madam

Ni Bb. Janine Cajayon

Alas kwatro na. Tapos na naman ang isang araw ng aking pagtuturo. Tiyak na marami na namang bata na makasasabay sa pag-uwi at pihadong traffic sa daan. Sinabayan pa ng malakas na ulan kaya inasahan ko na na ang pagsakay sa traysikel ay isa na namang laban. 

Ang swerte naman ng aking dating guro, nakasakay na siya ng traysikel. Iyan ang nasambit ko nang makita ko siyang nakaangkas ng hapong iyon. Ngunit, parang may ‘di tama sa sitwasyon. 

Marahil napadadalas ko yatang nakikitang nakaangkas sa likod ng drayber si Madam kaya napukaw na ang aking atensyon.

Naalala ko tuloy nung mga panahong siya pa ay aking guro. Madalas kaming magkasabay sa sinasakyang traysikel. At sa tuwing puno na ang loob ng traysikel ay nagmamadali kami ng aking kaibigan na lumipat sa angkasan para hindi mahirapan si madam. Pihado kasing pagod na sa dami ng ginawa niya sa buong maghapon.

Kitang-kita sa pawis sa kanyang noo ang pagod sa maghapong pagpalipat-lipat sa mga klasrum na ilang metro rin ang layo sa isa’t isa. Baktot pa nya ang mga makukulay na gamit para kami ay mas maingganyang makinig. 

Hanggang sa pag-uwi ni Madam, may dala-dala pa rin siyang mga bag na puno ng papel. Ngunit napansin kong iba ang kanyang itsura sa nakita ko sa kanya ng pumasok siya. Ang kaninang umagang pulbos sa pisngi at kolorete sa mukha, ay napalitan na ng alikabok mula sa yeso na hawak niya ng may ilang oras, kasama pa rito ang alikabok mula sa dinadaanan nyang kalsada. Ang kanyang labi ay maputla. Ang buhok niyang unat na unat ay tila gusot na at nagsitirik pa. At ang bango niya kanina ay naglaho na at tila napalitan na ng amoy ng mga kaklase kong nagsisipa sa katirikan ng araw. Ang tanging naiwan na lamang ay ang kunot sa kanyang noo ngunit nakangiting mga labi. 

Kaya siguro hindi namin maatim na paangkasin pa si Madam noon. Dahil bagaman nakangiti siya ay kitang-kita namin na ang katawan nya’y haplay na sa dami ng gawain. 

Bago pa ang araw na ito, nakita ko na rin si Madam, sukbit ang magara niyang bag at ang ilan pang paperbag na may lamang mga papel. Marahil tsetsekan nya ito sa bahay. Hulaan mo kung saan siya sakay? Oo! Tama! Doon na naman sa angkasan. Hindi na siya magkamayaw sa pagkapit sa mga gamit at sa rehas ng traysikel upang hindi siya malaglag. 

Sinilip ko ang loob, mga estudyante ang mga nakaupo, mula mismo sa paaralang kanyang pinagtuturuan, isang batang lalake at isang batang babae. 

Sa napakaraming pagkakataon, ganito na ang sinasapit ni Madam. Sa kagustuhan niyang umuwi ng maaga, mukhang hinayaan na niya na laging umangkas dahil hindi kayang magpaubaya ng mga kabataang kanyang tinuturuan ng ‘di lamang pang-akademika ngunit maging kabutihang asal. 

Napailing na lamang ako at tinanong ang sarili. Ano na nga ba ang nangyare sa lumang lipunan na minsan kong pinanggalingan? Bakit parang nawala ang galang ng mga kabataan sa mga kaguruan? Iniisip ko, kasalanan kaya ni Madam? May nagawa ba siyang hindi tama? O baka naman ang pamantayan ng pagrespeto ay tumaas na rin at hindi porke guro ka ngayon ay dapat ka ng igalang? 

Madam, ikaw ba ang nagkulang? Baka hindi mo na sila naturuan? Yung dati, yung kagandahang asal? Yung paggalang? Hindi mo na ba naipamana sa mga bago mong anak-anakan? Ano ba ang nagawa mo Madam at tila bumaba ang tingin sa’yo ng lipunan?

Si Madam nga ba ang may kasalanan? O baka naman ikaw! Ikaw na batang hindi na talaga marunong rumespeto at gumalang. Hinayaan mo yatang lamunin ka ng lipunang iyong kinamulatan, kaya’t kahit anong turo ni Madam ay ‘di mo naunawaan o baka hindi mo na talaga sinubukang unawain man lang. Hindi naman yata porke iyong kinamulatan ay dapat mo ng kalakihan. Kung hindi man lang sana respeto, ay simpatya man lang at paglalagay ng iyong sarili sa kanyang kinalalagyan ang iyong pinagtuunan. Kita mo ang pagod sa kanyang mukha, ang bigat ng mga gamit sa kanyang mga braso. Ngunit ano ang iyong ginawa? Pinili mong ipagsawalang bahala. 

Peeeeeeep!

Nagitla na lamang ako sa traysikel na tumigil sa aking harapan. Basa na rin pala ako ng ulan. 

Eto na ang traysikel na sasakyan ko, suot ang luntiang uniporme at abong palda, ang ID, at daladala ang mga papel na iwawasto ko bago matulog ngayong gabi. At hulaan mo kung saan ang pwesto ko? Oo! Tama ka na naman! Sa angkasan din ako. Nagkatitigan kami nila ining at utoy sa mata, ngunit umiwas din sila. Sumakay ako sa angkasan. Lumingon si manong at humingi ng tawad sabay sabi niya, “Pasensya ka na, Madam. Iba na talaga sila.”

Leave a comment